Nilinaw ni Education Secretary Leonor Briones na walang kautusan ang ahensya na ang mga guro ang siyang magtuturok ng bakuna kontra COVID-19 sa mga estudyante at sa mga kapwa nito guro.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Briones na unang-una ay hindi kwalipikado ang mga guro na magbakuna dahil hindi naman sila properly trained.
Ani Briones, ang mga nasa larangan lamang ng medisina ang dapat na gumawa nito dahil ito ang kanilang field of expertise.
Paliwanag ng kalihim, ang magiging role lamang ng mga guro sa vaccination program ng pamahalaan ay ipalaganap ang benepisyo ng pagpapabakuna at ang dahilan kung bakit kinakailangan ng bakuna.
Habang ang Department of Education (DepEd) naman ay tinitingnan kung saan-saang mga paaralan sa bansa ang maaaring pagdausan ng vaccination program at ito aniya ay dedepende sa sitwasyon ng isang paaralan at sa laki ng school clinic.