Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi magkapareho sa inilalaan sa law enforcement agencies ang inihihirit nitong “confidential funds” sa proposed budget sa 2023.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, magkaiba ang intelligence fund at confidential fund batay sa mandato ng militar, pulis at government agencies.
Giit ni Poa alinsunod sa Department of Budget and Management (DBM) Circular, ibinibigay ang pondo sa mga ahensya ng gobyerno para gampanan ang tungkulin.
Paliwanag niya, “target-specific” ang programa ng DepEd kung saan bukod sa pagtitiyak ng mataas na kalidad ng edukasyon ay kailangang protektahan din ang mga mag-aaral, teaching at non-teaching personnel.
Aniya, mahalaga ang confidential funds para sa wastong surveillance at intelligence ng nangyayaring bentahan ng ilegal na droga at criminal activities sa ilang paaralan.
Nauna rito, tiniyak ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na gagamitin ang 150 million pesos na confidential fund nang naaayon sa government rules.
Gayunman, ipinauubaya niya sa Kongreso ang pagpapasya hinggil dito.