DepEd, kinukulit na ng mga kawani na bayaran ang dalawang taong incentives

Umaapela ang non-teaching personnel sa pamunuan ng Department of Education (DepEd) na ibigay na ang mga hindi pa nababayarang Collective Negotiation Agreement (CAN) Incentives para sa mga non-academic staff ng ahensiya.

Ayon kay Department of Education-National Employees’ Union President Atty. Domingo Alidon, ang hinahabol nilang insentibo mula sa DepEd ay para sa mga taong 2018 at 2019.

Paliwanag pa ni Alidon na sumulat na sila sa pamunuan ng DepEd upang makapagsagawa ng virtual meeting kung saan lulutasin ang isyu patungkol sa 2018 at 2019 CNA Incentives.


Tinawagan na rin aniya ang pansin ng pamunuan ng ahensiya lalo na at malapit na ang Nobyembre 15, ang deadline upang ipasok ang kanilang savings para sa payment ng CNA Incentives para sa taong 2019 upang hindi sila madiskuwalipika.

Dagdag ni Alidon, ang CNA ay isang kontrata sa pagitan ng DepEd Management at ng DepEd-NEU na naglalaman ng mga kapakanan at benepisyo na matatanggap ng bawat empleyado.

Isa sa mga Economic Benefit mula sa CNA ay ang taunang cash incentive na P6,000 hanggang P7,000 para sa bawat empleyado at bahagi rin nito ang Non-Economic Benefit na official business o meetings sa loob at labas ng bansa.

Facebook Comments