DepEd, kinundena ang pamamaril at pagkakapatay sa kanilang dating legal officer sa Palawan

Kinundena ng Department of Education Central Office ang pagkakabaril at pagkakapatay kay Atty. Joshua L. Abrina, dating Legal Officer ng DepEd Palawan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang naturang pag-atake ay hindi lamang nagdulot ng matinding pagdadalamhati sa pamilya at sa mga kasamahan sa trabaho, kundi ito ay pag-atake rin sa prinsipyo ng hustisya at public service.

Aniya, kilala si Atty. Abrina sa kanyang pagprotekta sa karapatan ng mga mag-aaral at sa pagpapalakas ng legal foundations ng departamento.

Tiniyak din ng Department of Education na nakikipagtulungan ito sa imbestigasyon ng law enforcement agencies para mapanagot ang nasa likod ng naturang karumal-dumal na krimen.

Umapela rin ang DepEd sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) na tumulong para mabigyan ng hustisya ang pagpatay kay Atty. Abrina.

Humihingi rin ng tulong sa mga awtoridad ang DepEd para sa proteksyon sa pamilya ni Atty. Abrina at sa mga tetestigo sa kaso.

Nabatid na mismong sa labas ng kaniyang tahanan sa Palawan binaril ang biktima.

Facebook Comments