MANILA, PHILIPPINES – Mag-iisyu na rin ang Department of Education (DEPED) ng moratorium sa mga field trips sa lahat ng mga public elementary at secondary schools hanggang June 2017.
Ito’y kasunod ng bus accident sa Tanay, Rizal na ikinamatay ng labinlimang katao.
Ayon kay DEpEd USEC. Jesus Mateo, tatagal ang moratorium ng tatlo hanggang apat na buwan para marebisa ang mga polisiya nila at maiparating ang mga implementing details nito sa kanilang mga regional offices.
Kabilang sa isasailalim sa review ang mga usapin tulad ng matututunan ng mga estudyante, seguridad at kaligtasan ng mga idaraos na field trips.
Pag-uusapan din aniya nila ang mga accountabilities dito ng mga paaralan, magulang at iba pang ahensya ng gobyerno.
Pinagpapaliwanag naman ni Atty. Joseph Noel Estrada, legal counsel ng Coordinating Council for Private Educational Associations o COCOPEA ang Commission on Higher Education (CHED) hinggil sa ipinalabas nilang moratorium sa mga field trips at educational tours.
Giit nito, dapat na ipatupad lamang ang nasabing moratorium sa mga piling eskuwelahan, lugar na pupuntahan at maging bus companies na hindi sumusunod sa batas.
Samantala, naglabas ng panuntunan ang Land Transportation Franchising & Regulatory Board o LFTRB sa tulong pinansyal para sa mga pamilya ng nasawi sa bus accident sa Tanay, Rizal.
Ayon sa LTFRB, mula alas-9 ngayong umaga ay maaari nang makuha ng claimant ang unang pinansyal na tulong ng Panda Coach Bus Inc.
Kailangan lang dalhin ng mga claimant ang birth certificate o marriage contract ng biktimang nasawi at dalawang valid ID ng pumanaw at claimant.