Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na magiging flexible sila pagdating sa attendance ng mga estudyante sa mga online classess lalo na kapag masama ang panahon.
Ayon kay Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, sa ilalim ng distance o blended learning approach, ang attendance policy ng ahensya ay nakadepende sa learning delivery modality na kanilang pinili.
Sinabi ni San Antonio na ang “synchronous online distance learning” ang maaaring nag-iisang modality kung saan magkakaroon ng attendance checking kaparehas ng face-to-face classes.
Paglilinaw ni San Antonio, hindi nangangahulugang hindi na iche-check ang attendance ng mga estudyante na nasa ilalim ng iba pang learning delivery options.
Ang klase ay maaaring isuspinde kahit nasa home-based learning kapag sobrang masama ang panahon o sa ilang extreme cases tulad ng pagtama ng isang Typhoon.