Maglalabas ang Department of Education (DepEd) ng isang Department Order (DO) kaugnay ng planong pagpapatupad ng 100% face-to-face classes sa November.
Ayon kay Atty. Reynold Munsayac, tagapagsalita ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte-Carpio, may iisyung kautusan ang naturang ahensya para gabayan ang lahat sa full resumption ng in-person classes.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na napag-usapan sa unang cabinet meeting ang face-to-face classes kung saan nais ng pamahalaan na dahan-dahanin ang pagpapatupad nito pagsapit ng Setyembre hanggang sa makaabot ng 100 percent sa Nobyembre.
Nitong nakaraang school year ay pinaiiral pa rin ang blended learning sa maraming paaralan kung saan maaaring mamili ang mga estudyante kung sa modules, online classes o pumasok ng pisikal sa classroom.