Bago magbukas ang klase sa August 24, 2020, magsasagawa ng assessment ang Department of Education o DepEd sa July 15 na kanilang pagbabasehan ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ito ni DepEd Secretary Leonor Briones sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian.
Sa pagdinig ay sinabi ni Briones na nakatuon ang kanilang preparasyon ngayon para sa distance learning na paraan ng pagtuturo alinsunod sa tinatawag na “new normal” dulot ng pandemya.
Gayunpaman, binanggit ni Briones na kasama sa laman ng magiging rekomendasyon nila sa Pangulo ang mga lokal na sitwasyon kaugnay sa COVID 19.
Ayon kay Briones, base sa kanilang monitoring ay may mga lugar sa bansa ang walang positibong kaso ng COVID o kaya naman ay mababa lang habang ang ibang lokalidad ay may magandang pagtugon sa COVID-19 situation.