
Sa budget hearings ng House Committee on Appropriations ay inihayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na nasa 165,000 ang kulang o kailangang itayo na mga mga silid-aralan sa buong bansa.
Bunsod nito ay isinulong ni Angara na magkaroong ng direktang partisipasyon ang mga lokal na pamahalaan sa pagtatayo ng mga classrooms na ngayon ay kasama sa pangunahing trabaho ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Angara, natatagalan ang pagtatayo ng classrooms dahil kasama din sa responsibilidad ng DPWH ang pagtatayo ng mga kalsada, tulay at iba pang imprastraktura.
Tiwala naman si Angara na may mga local government unit ang may kapasidad, technical expertise, financial resources, at governance structures para makatulong na masolusyunan ang classroom backlog.
Bukod dito ay sinabi ni Angara ang pagpapatayo ng nasa 105,000 classrooms sa ilalim ng Public-Private Partnerships (PPP) na kailangan pang dumaan sa regulatory approvals ng mga kaukulang ahensya.









