
Mas pagtitibayin ng Department of Education (DepEd) ang pakikipagtulungan sa mga simbahan at civil society groups upang maabot ang mga batang hindi naaabot ng edukasyon dahil sa kahirapan at kakulangan sa oportunidad.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara, sa kanyang talumpati sa 42nd National Social Action General Assembly ng Caritas Philippines, ang mahalagang papel ng mga community- at church-based organizations sa pagsusulong ng edukasyon.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng mga programang gaya ng school-based feeding, learning recovery, at Alternative Learning System (ALS), lalo na para sa mga out-of-school youth at iba pang marginalized learners.
Ibinahagi rin ng kalihim ang pagpapalawak ng School-Based Feeding Program at ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program upang matugunan ang problema sa gutom at learning gaps ng mga mag-aaral.
Ayon kay Angara, mahalaga ang suporta ng mga lokal na komunidad at volunteers upang maging epektibo ang mga repormang ito sa edukasyon.
Pinuri din ng kalihim ang kontribusyon ng Caritas Philippines at iba pang faith-based institutions, kabilang ang mga Jesuit schools, sa pagsusulong ng inklusibo at makataong reporma sa edukasyon na nakatuon sa kapakanan ng mga mag-aaral at guro.










