Inihayag ng Department of Education (DepEd) na nagbigay na sila ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte ng mga petsa at buwan kaugnay sa pagbubukas ng klase sa bansa para sa school year 2021-2022.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones ang kanilang inirekomenda ang August 23, September 6, at September 13 para sa petsa at buwan ng school opening sa bansa.
Sa ngayon, naghihintay na lamang sila ng approval mula sa pangulo.
Kung sakali aniyang mayroon ng petsa at buwan sa pagbubukas ng klase, maglalabas naman ng final school calendar ang ahensya para sa nasabing school year.
Samantala, sinabi rin Briones na suportado ng DepEd ang desisyon ng pangulo na hindi muna ipapatupad ang face-to-face classes sa bansa habang mayroon pang banta ng COVID-19 virus.
Dahil dito, iaantala muna ang pagpapatupad ng face-to-face classes sa ilang lugar ng bansa na nasa low-risk areas ng COVID-19 status.
Binigyan-diin din ni Briones na kapakanan at kaligtasan sa kalusugan ng 27-million na mag-aaral at mahigit 840,000 na public school teachers ang kanilang pangunahing isinaalang-alang bago magdesisyon kaugnay sa mga school activity ng bansa.