Muling magpapalabas ang Department of Education (DepEd) ng adjusted school calendar para sa School Year 2020-2021 kasunod ng pag-urong ng pagsisimula ng mga klase sa Oktubre 5.
Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, maraming aktibidad at programa ng DepEd ang naapektuhan ng pagpapaliban ng school opening gaya ng National Teacher’s Month na ipinagdiriwang tuwing Setyembre 5 hanggang Oktubre 5.
Aniya, ang Christmas vacation ngayong 2020 para sa mga estudyante ay magsisimula sa Disyembre 20 at magbabalik sa Enero 3, 2021.
Habang maaari sa Hunyo 16, 2021 ang magiging pagtatapos ng klase.
Una nang naglabas ang kagawaran ng school calendar noong Mayo dahil inaasahan na magbubukas ang mga klase ng Agosto 24.
Sa tala ng kagawaran, mahigit 24.11 milyon na ang nakapag-enroll sa buong bansa.
Sa nasabing bilang, higit 22.09 milyon na mag-aaral ang nag-enroll sa mga pampublikong paaralan habang 1.96 milyon sa pribadong eskwelahan.
Mahigit 11.64 milyon dito ay elementary students, 7.60 milyon ay nasa junior high school, 2.73 milyon ay senior high school, 1.70 milyon ay kindergarten at 366,744 enrollees sa Alternative Learning System (ALS).