Naglabas na ng panuntunan ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa pagpapatupad ng remedial at advancement classes ngayong bakasyon na susundin ng mga paaralan sa bansa.
Ayon sa DepEd, nakabase ang kanilang panuntunan sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa kaugnay sa COVID-19 pandemic.
Nakasaad dito na tatagal ng anim na linggo kasama na ang Sabado o mula July 19 hanggang August 21, 2021 dapat gawin ang remedial at advancement classes.
Bawal pa rin ang face-to-face learning kaya naman papairalin pa rin ang distance at blended learning, kung saan gagamit pa rin ng online at self-learning material ang mga guro sa mga subject na kailangan ng mga mag-aaral.
Ang mga senior high school naman ay maaring mag-offer ng advancement classes para sa kanilang mag-aaral na sasabak sa work immersion bago ang School Year 2021-2022.
Ang remedial at advancement classes ay ibinigay sa mga mag-aaral na nakakuha ng gradong mababa pa sa 75 percent upang bigyan sila ng pagkakataon na umusad sa susunod na grade level.