Naglabas ng guidelines ang Department of Education (DepEd) para sa pagtanggap ng Learning Support Aides (LSAs) para sa School Year (SY) 2020-2021.
Ito ay magsisilbing gabay sa lahat ng DepEd offices at sa mga ekwelahan at sa iba pang stakeholders para sa recruitment, selection at engagement ng teaching assistants.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 32, series of 2020 o “Guidelines on the Engagement of Services of Learning Support Aides to Reinforce the Implementation of the Basic Education Learning Continuity Plan in Time of COVID-19 Pandemic,” sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na magiging gabay ito sa pagpili at pagtanggap ng LSAs sa lahat ng public elementary at secondary schools, kabilang ang mga senior high schools.
“The mechanisms, procedures, and standards stipulated in this policy shall guide all DepEd offices and schools, as well as other stakeholders in the recruitment, selection, and engagement of Learning Support Aides in all public elementary and secondary schools, including senior high schools, in school year 2020-2021,” sabi ni Briones.
Para matiyak na magpapatuloy ang edukasyon sa harap ng COVID-19 pandemic, ipinapatupad ng kagawaran ang Basic Education-Learning Continuity Plan (BE-LCP) kung saan iba’t ibang learning delivery modalities ang isinasagawa.
Aminado ang DepEd na kailangan ng karagdagang tauhan sa school level lalo na sa mga estudyanteng naghihirapan sa ‘independent learning’ kabilang ang mga mayroong kapansanan at may special needs, at sa mayroong magulang o guardians na may full-time job na hindi kakayanin para bantayan ang pag-aaral ng kanilang anak sa bahay.