Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga guro, magulang at sa mga estudyante na hindi kinakailangang bumili ng gadgets tulad ng laptop at personal computer.
Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua, bagamat isinusulong ang alternative learning delivery modalities ngayong School Year (SY) 2020-2021 bunsod ng COVID-19 pandemic ay maraming options ang available.
Paglilinaw ni Pascua na hindi requirement na bumili ng bagong computer at smartphones.
Ang Office of Undersecretary for Administration (OUA) ay naglabas ng memorandum kung saan pinapayagan ang school heads na maglabas o magpahiram ng equipment sa mga guro nito tulad ng desktop computers, laptops, tablet at smartphones.
Mayroon ding ganitong guidelines para sa ilang mag-aaral na nais humiram ng equipment mula sa paaralan na dadaan sa approval ng school head.
Ang Learner Enrollment and Survey Form (LESF) ang magiging pangunahing basehan para kilalanin ang mga estudyanteng nais maghiram ng mga nasabing devices, kung saan prayoridad ang mga estudyanteng may kapansanan.