Muling pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga guro na sundin ang polisiya hinggil sa pagbibigay ng homework sa mga estudyante.
Kasunod ito ng mga ulat na binigyan ang mga estudyante at magulang ng maraming assignment sa unang linggo pa lang ng pagsisimula ng klase.
Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, dapat daw sundin ang memo kahit pa ipinatutupad ang distance learning.
Nauunawaan din nila ang sitwasyon ng mga estudyante at dapat bigyan ang mga ito ng makatwirang deadline para magawa nila ang anumang ipapagawa sa kanila ng mga guro.
“Kailangan yata ay mag-synchronize, mayroon na kami dating suggestion na ‘yung sa homework ay hindi sabay-sabay na mayroon,” sabi ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio sa isang virtual press briefing nitong Lunes.
Dagdag pa ni San Antonio, hindi rin daw dapat sabay-sabay ang pagbibigay ng homework kung saan optional naman daw ang pagsagot sa mga modules.
Dapat aniya tantyahin at huwag tambakan ang mga estudyante ngayong ipinatutupad ang distance learning.
Nabatid na batay sa DepEd Memorandum No. 392 na inisyu taong 2010, pinapayuhan ang mga guro mula sa elementarya na limitahan ang mga ipagagawang assignment tuwing weekdays habang walang assignment kapag weekends.