Nagpatupad ang Department of Education (DepEd) ng adjustment sa apat na quarater ng school year bilang bahagi ng ‘key challenges’ sa pagtuturo sa mga estudyante ngayong COVID-19 pandemic.
Ayon kay Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, mahigpit na monitoring sa paghahatid ng basic education services sa mga pampublikong paaralan mula nang mag-umpisa ang klase noong October 5, 2020.
Pero dahil sa mga hamon ng distance learning, kailangang magkaroon ng recalibration sa istratehiya sa pagtatalaga ng teaching responsibilities sa mga guro at learning activities ng mga estudyante sa tulong ng kanilang mga magulang.
Ang first quarter ng kasalukuyang school year ay pinalawig hanggang December 12.
Magsisimula naman sa January 4, 2021 hanggang February 27, 2021 ang second quarter, ang third quarter naman ay mula March 1, 2021 hanggang April 24, 2021 at ang fourth quarter ay mula April 26, 2021 hanggang June 11, 2021.
Ang December 14 hanggang 19 ay ilalaan sa In-Service Training (INSET) kabilang ang Most Essential Learning Competencies (MELCs), base sa Quarter 2 planning ng Distance Learning Delivery Modalities.
Pinayuhan din ng DepEd ang mga eskwelahan na mag-organisa ng group wellness session bilang suporta sa mental-health at socio-emotional wellbeing ng mga guro, estudyante at sa mga magulang at learning facilitators.
Nakiusap din ang kagawaran sa mga eskwelahan na mabigay ng suporta sa mga mag-aaral at home learning facilitators na nahihirapan, lalo na sa pagbisita sa mga bahay.