Umapela ang Department of Education (DepEd) sa mga magulang na maging bahagi ng solusyon para maiwasan ang distance cheating.
Ito ang panawagan ng kagawaran kasabay ng pagpapatupad ng distance learning ngayong school year.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, mahalaga ang magiging papel ng mga magulang para maiwasan ang pandaraya ng mga estudyante habang sila ay nasa remote classes.
Aminado ang kalihim na hamon ang distance cheating kahit bago pa dumating ang COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Briones na may ilang eskwelahan ang gumawa ng mga hakbang sa pagkalkula ng mga grado at pag-assess sa performance ng mga estudyante.
Dagdag pa ni Briones na may ilang mga guro ang may karanasan at marunong makatukoy kung ang takdang-aralin o proyekto ay ginawa ng magulang o ng bata.
Sinabi naman ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio, na ang assessment para sa mga estudyante ay nire-review para sa nalalapit na school year.
Hinihikayat ng DepEd ang mga guro na regular na kausapin ang mga estudyante lalo na at magiging remote ang paraan ng pagtuturo sa mga ito.
Iginiit ni San Antonio na ang pagtuturo ng values sa mga anak ay hindi lamang responsibilidad ng DepEd kundi pati na rin ng mga magulang.