Iginiit ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na walang pagsalungat o debate ang ahensya sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hangga’t wala pang bakuna sa COVID-19 ay mananatiling suspendido ang pasok ng mga bata.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Briones na tulad ng Pangulo, ayaw din ng ahensya na malantad sa peligro ng COVID-19 ang mga estudyante.
Ito ang dahilan kaya aniya inihahanda na ngayon ng DepEd ang iba’t ibang paraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga bata kahit pa hindi sila pumapasok nang pisikal sa kanilang mga paaralan.
Inihalimbawa pa nito ang DepEd Commons na makikita sa internet na ngayon ay nasa pitong milyon na mga magulang, mag-aaral at guro ang gumagamit ng naturang online review materials and open educational resources.
Gumagawa na rin aniya ang DepEd ng printed modules na ibibigay sa mga bata para sagutan sa bahay at nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) para sa paggamit sa TV at radio facilities ng gobyerno para maturuan ang mga bata sa mga liblib na lugar at walang internet access.