DepEd, nasabon ng husto sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa biniling overpriced na laptops

Nagisa ng husto ng mga senador ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa biniling overpriced at mabagal na laptops ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Kapwa tinanong nina Senador Alan Peter Cayetano at Ronald “Bato” dela Rosa ang DepEd kung sino sa mga undersecretary o assistant secretary ang nag-apruba sa pagbili ng ₱2.4 billion laptops at bakit pumayag na bilhin ang mas mahal na laptop gayong nabawasan ang bilang ng mga makikinabang dito.

Nagmatigas si dating Education Usec. Alain Pascua na wala umano silang inaaprubahan na pagtaas sa presyo ng laptops.


Aniya, ang kanilang inaprubahan ay iyong action slip na binigay ng PS-DBM kung saan dahil tumaas sa ₱58,300 ang kada unit ng laptop mula sa ₱35,046 ay mababawasan ang bilang ng mga benepisyaryo.

Iginiit ni Cayetano na ang paliwanag ni Pascua ay wala ring pinagkaiba sa inaprubahan ng DepEd ang mataas na presyo ng laptops.

Sinabi naman ni Dela Rosa na hindi na sana pumayag ang DepEd na bilhin ang overpriced na laptops dahil malaki ang naibawas sa bilang ng mga guro na sana ay makikinabang dito.

Samantala, nanindigan naman si dating Education Secretary Leonor Briones na hindi nila inimbento ang pagpasa sa PS-DBM ng pagbili ng items.

Binigyang diin ni Briones sa Senado na walang iligal sa ginawang pagbili ng mga laptops dahil ang pagbili ng mga item tulad ng laptops ay naging kasanayan na noon pa.

Ginagawa nila aniya ang pagpapaubaya sa PS-DBM sa procurement ng mga items kapag kailangan ng ipatupad ito at gahol na sa oras.

Facebook Comments