DepEd – National DepEd Employees Union, magbibigay tulong pinansyal sa mga miyembro na nahawaan ng COVID-19

Inihayag ngayon ng pamunuan ng Department of Education-National DepEd Employees Union na magbibigay ng tulong pinansyal ang DepEd-NEU ng mga non-teaching personnel sa kanilang mga miyembro na nahawaan ng COVID-19 pati na rin ‘yung mga namatay sa naturang sakit.

Ayon kay Atty. Domingo Alidon, National President ng Department of Education-National Employees Union, makakatanggap ng financial assistance mula sa Unyon ang mga miyembro na nagpositibo sa virus kahit ‘yung mga kinokonsidera lamang na suspected and probable cases.

Subalit, nilinaw ni Atty. Alidon na tanging mga miyembro lamang na nakapag-ambag ng kanilang Union dues at Mutual Aid ang makakatanggap ng nasabing ayudang pinansyal sapagkat doon umano kukunin ang pondo na gagamitin para rito.


Paliwanag pa ni Alidon, ang mga suspected o probable cases ay makatatanggap ng P3,000 bilang financial assistance, habang ang pamilya o kamag-anak ng namatay na miyembro ng Unyon ay makatatanggap ng P5,000 bilang burial assistance o death benefits.

Nananawagan din si Alidon sa ibang miyembro ng Unyon na wala pang deduction na alamin sa kani-kanilang Division o Regional Offices para pakiusapan ng mga opisyales ng Unyon na i-implement ang Automatic Payroll Deduction System o APDS ng National Employees Union.

Facebook Comments