DepEd, natuwa sa resulta ng early registration

Ikinalugod ng Department of Education (DepEd) ang inisyal na resulta ng Early Registration activity para sa School Year (SY) 2021-2022.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, nalagpasan nito ang kanilang inaasahang bilang ng mga estudyanteng handang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Sa datos ng DepEd, nasa 4.3 million na mag-aaral mula Kindergarten, Grades 1, 7 at 11 ang nakarehistro na sa nalalapit na school year.


Dahil dito, nagpasya ang kagawaran na palawigin ang aktibidad hanggang katapusan ng buwan.

Sinabi naman ni Education Undersecretary for Planning and Human Resources and Organizational Development Jesus Mateo na pinalawig ang early registration para mabigyan ang mga magulang ng dagdag na panahon para maiparehistro ang kanilang mga anak.

Ang CALABARZON ang may pinakamataas na bilang ng registered learners na may 437,561 kasunod ang Central Visayas (395,830) at Western Visayas (365,361).

Ang DepEd ay nagsasagawa ng Early Registration sa pamamagitan ng Facebook, text messages at drop boxes sa mga paaralan at barangay.

Facebook Comments