Nagdeklara ng academic health break ang Department of Education – National Capital Region (DepEd-NCR) sa mga eskwelahan sa Metro Manila simula bukas, January 15 hanggang 22.
Ito ay upang mapangalagaan ang pisikal at mental na pangkalusugan ng mga school personnel at mag-aaral sa gitna ng pagtuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa inilabas na memorandum ng DepEd-NCR, muling magsisimula ang klase sa January 24 ngunit ito ay asynchronous o modular lamang hanggang January 29.
Bukod dito, ang 2nd Quarter Examination ng mga mag-aaral ay isasagawa na rin sa February 7 hanggang 8.
Ang desisyon naman sa pagsuspinde ng klase sa mga pribadong paaralan ay pinauubaya sa kaniya-kaniyang pamunuan nito.
Matatandaang nauna nang nagsuspinde ng klase ang mga lokal na pamahalaan ng Maynila, Marikina at Antipolo.
Samantala, nanindigan naman ang DepEd na hindi ito magdedeklara ng nationwide academic break dahil may mga kailanga pang isaalang-alang kung bakit kailangang isuspinde ang klase sa buong bansa.