DepEd, nilinaw ang pamantayan sa pagsususpinde ng klase sa mga paaralan

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) ang mga pamantayan ng kagawaran hinggil sa pagpapatupad ng suspensyon ng mga klase sa mga paaralan sa bansa.

Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa na ang pagpapatupad ng kanselasyon ng mga klase sa bansa ay alinsunod sa DepEd Order No. 37, na nakabatay naman sa limang senaryo tulad ng bagyo, ulan, baha, lindol, at power outages.

Sa ilalim ng kautusan, otomatikong suspendido ang klase mula Kinder hanggang Grade 12, teaching at non teaching personnel, sa mga paaralang sakop ng kagawaran sa mga sumusunod na sitwasyon:


• Kapag naglabas ng Signal No.1 ang PAGASA tuwing may bagyo.
• Kapag naglabas ng orange at red rainfall warning ang PAGASA sa tuwing umuulan.
• Kapag bumabaha at may inilabas na flood warning ang PAGASA.
• At kapag nakapagtala ng Intensity 5 na lindol ang PHIVOLCS.

Ngunit sakaling ang naturang mga senaryo naman ay nararanasan sa isang lugar at walang inilabas na advisory ang nasabing mga ahensya, ipinauubaya na ng DepEd sa mga local government unit ang magiging suspensyon ng mga klase dito.

Samantala, wala namang otomatikong kanselasyon ng klase pagdating sa kawalan ng kuryente, pero may kapangyarihan naman aniya ang mga school head na magsuspend ng klase kung makakaapekto sa sitwasyon ng paaralan ang kawalan ng kuryente sa lugar.

Facebook Comments