Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi kailangang bumili ng gadgets o laptops ang mga estudyante sa basic education.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, ang blended at distance learning ay hindi limitado sa online.
Aniya, may iba pang paraan para turuan ang mga ito.
Batid nila na maraming liblib na lugar sa bansa ang walang kakayahang makabili ng gadget at walang maayos na internet connection.
Naghanda ang DepEd ng printed self-learning modules para sa distance learning.
Ang mga walang internet connection pero mayroong gadget ay bibigyan ng flashdrive kung saan maaari nilang mabuksan ang learning modules.
Sa ngayon, inaalam na ng DepEd ang bilang ng mga enrollee na mayroong gadgets para ang bibigyan lamang ng printed modules ay mga mas nangangailangan.
Pagtitiyak ng kagawaran na susunod sila sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang face-to-face classes hanggang walang bakuna laban sa COVID-19.