Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na ang mga guro sa isang high school sa Batangas ay umakyat sa bubungan ng kanilang eskwelahan para makasagap ng internet signal.
Nabatid na nag-viral ang litratong ito sa social media, pero sinabi ng kagawaran na isang beses lamang itong nangyari.
Ang mga nasabing guro ng Sto. Niño National High School ay kailangan ng internet signal para maisagawa nila ang learning delivery modalities.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, mayroong oras na mahina ang internet signal sa lugar kaya napilitan ang mga guro na umakyat sa bubong ng kanilang eskwelahan.
Iginiit ni Malaluan na hindi naging inilahad ng news organizations ang tunay na pangyayari sa viral photo.
Una nang nilinaw ng eskwelahan na na-misinterpret ng publiko ang nasabing litrato.