Nilinaw ng Department of Education (DepEd) Schools Division Office ng Biñan, Laguna ang maling impormasyon na kumakalat sa social media hinggil sa pagpanaw ng tatlong Out-of-School Youth (OSY) sa Binan, Laguna.
Taliwas sa mga balita at kumakalat sa social media posts, ang insidente na nakarating sa Schools Division Office (SDO) ng Biñan at Police report na ang mga biktima ay hindi nalunod sa tangkang pagsusumite ng self-learning modules.
Batay sa police report, pumunta sila para ihatid ang mga damit ng ama ng dalawa sa mga biktima.
Napag-alaman na noong nangyari ang insidente ay sarado ang lahat ng mga paaralan at suspendido ang pagkuha ng mga modules dahil sa baha dulot ng Bagyong Ulysses.
Ipinaabot na rin ng DepEd sa mga media outlet na itama o burahin ang artikulo kung saan umaapela sila sa lahat na masusing busisiin ang impormasyon na kanilang iniuulat sa publiko.
Tinitiyak naman ng DepEd na hindi makokompromiso ang kalusugan ng lahat sa kanilang misyon na magkaroon ng isang kalidad na edukasyon sa bansa, higit ngayon na may pandemya.