Inihayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na nag-ambagan ng pera ang mga kawani at official ng DepEd upang tulungan ang mga guro na lubhang nasalanta ng Bagyong Rolly at Ulysses.
Aniya, ipinag-utos din niya na madaliin ang pagproseso ng kanilang calamity loan sa GSIS at iba pang mga lending company na accredit ng DepEd.
Maliban dito, sinabi rin ng kalihim na ang DepEd ay magbibigay ng provident fund para sa emergency loan sa mga teaching at non-teaching personnel ng Kagawaran na nasalanta rin ng mga bagyo.
Ire-release na rin aniya ang year-end bonus na katumbas ng isang buwan sahod at P5,000 na cash gift para sa mga personnel ng DepEd.
Kamakailan, ang Bicol, Metro Manila, Calabarzon at Cagayan Valley ay ilang lugar sa bansa na lubhang nasalanta ng Super Typhoon Rolly at Typhoon Ulysses.