DepEd, patuloy na ipapatupad ang kasalukuyang grading system para sa nalalapit na pasukan

Mananatili ang kasalukuyang grading system sa mga eskwelahan para sa nalalapit na School Year 2020-2021.

Nabatid na nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa Department of Education (DepEd) na magpatupad ng flexible system na sinusukat ang performance ng estudyante sa kung paano nakakatulong ang mga aral sa pag-adapt sa kasalukuyang sitwasyon gamit ang “pass or fail” grading system.

Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, ang pagpapatupad ng non-graded system ay magiging dagdag na pasanin sa mga guro.


Kapag gumamit aniya ng “letter grade” o “pass or fail,” ang mga guro ay kailangan pa ring gumamit ng systema para i-assess ang performance ng kanilang mga estudyante.

Iniiwasan nila ang magbigay ng dagdag na workload sa mga guro.

Ang pagpapanatili ng kasalukuyang grading system ay makakatulong sa graduating students at sa mga nag-a-apply para sa iba’t ibang scholarships.

Paliwanag pa ni San Antonio, ang mga kolehiyo at unibersidad ay dumedepende sa grado ng student applicants.

Sinabi naman ni Education Secretary Leonor Briones na mayroon ng mga rekomendasyon na ipatupad ang “pass or fail” system maging ang mass promotion sa mga estudyante mula pa noong Marso.

Ipinunto ni Briones ang posibleng impact ng “pass or fail” grading system lalo na para sa mga high-performing students at mga eskwelahan.

Facebook Comments