Pinabubuo ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education (DepEd) ng plano para sa mga estudyanteng hindi makakapag-enroll ngayong pasukan.
Ang rekomendasyon ay bunsod na rin sa pagkabahala ng kongresista sa mababang enrollment rate ng mga mag-aaral kahit isang buwan na ang nakakaraan nang simulan ang enrollment sa mga public school.
Ipinaalala ni Castro na may responsibilidad ang estado na bigyan ng access sa de-kalidad na edukasyon ang mga Pilipino at dapat na isulong pa rin ng DepEd ang pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya.
Pinapalabas ni Castro ng kongkretong plano ang DepEd kabilang dito ang pagtiyak na lahat ng mga kabataan ay makakapag-enroll, pagbibigay sa mga estudyante at mga guro ng mga kinakailangan na blended learning materials, facilities at iba pang requirements, pagpapatupad ng ‘no collection policy’ at iba pa.
Hiniling din ng kongresista sa ahensya na magpatupad ng mga polisiya para mabawasan ang bilang ng mga out-of-school-youth sa bansa.
Hindi aniya katanggap-tanggap na aabutin sa 15 milyon ang out-of-school-youth at pababayaan na lamang ng gobyerno ang mga magulang na magdesisyon na hindi na papag-aralin ang kanilang mga anak.