Pinaghahanda ni Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor ang Department of Education (DepEd) para sa mas mahaba pang panahon ng distance learning.
Bunsod ito ng posibilidad na abutin pa ng isang taon bago magkaroon ng bakuna na para sa mga batang edad 15 taong gulang pababa.
Ayon kay Defensor, dahil matatagalan pa ang mga bakuna para sa mga bata ay talagang malabo pa ang face-to-face to classes para sa School Year 2021-2022.
Ipinunto pa ng kongresista na hindi pa tapos ang pag-aaral ng vaccine developers sa kaligtasan ng kanilang mga bakuna para sa mga bata.
Hinihimok ni Defensor ang mga paaralan na ayusin at palawakin ang serbisyo ng online learning gayundin ang modular, television at radio-based instruction para maiwasan ang dropouts at mas maraming estudyante ang makapag-aral sa susunod na pasukan.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito papayagan ang face-to-face classes hangga’t walang bakuna.