Pinaghahanda pa rin ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang Department of Education (DepEd) para sa ‘new normal education’ sa pasukan sa Agosto kahit pa nagpahayag na ang Pangulo na suspendido muna ang klase hangga’t wala pang bakuna sa COVID-19.
Ayon kay Hataman, isa siya sa mga nagsusulong ng mass testing at ‘walang bakuna, walang klase’ pero hindi naman dapat pabayaan ang mga kabataan na nasa bahay lang at walang pinagkakaabalahan o wala man lang klase.
Aniya, may dalawang buwan pa ang DepEd para mapaghandaan ng mga pampubliko at pribadong paaralan na makapag-adjust sa bagong school system bunsod na rin ng COVID-19 pandemic.
Pinaglalatag ng kongresista ng ‘blended at hybrid’ na lesson plan ang mga eskwelahan para sa epektibong education system na hindi naman malalantad ang mga estudyante, mga guro at mga school employees sa panganib ng COVID-19.
Tiyak aniyang mahihirapan ang mga estudyante kung mababakante sa pag-aaral kaya kinakailangan na makabuo ang education sector ng alternative learning form sa labas ng traditional classroom setting.