Pinagpapaliwanag ng House Committee on Basic Education and Culture ang Department of Education (DepEd) tungkol sa sobrang oras ng aktuwal na pagtuturo ng mga guro.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, kwinestiyon ni Pasig Representative Roman Romulo, na chairman din ng komite, kung bakit hindi maayos na naipatutupad ang Department Order No. 5 para sa mga guro.
Sa ilalim nito, nakasaad na anim na oras lamang ang actual teaching ng mga guro habang ang dalawang oras na natitira ay gagamitin sa administrative work o mga paghahanda sa kanilang mga lesson plan.
Ayon kay Romulo, nasa dalawang shift na ang pasok ng mga mag-aaral, at may mga guro aniyang may subject na tinuturo sa umaga at mayroon ulit sa hapon kaya lumalagpas sa anim at halos nasa walong oras din.
Nakauubos aniya ng lakas sa pangangatawan at kaisipan ng mga guro ang ganitong uri ng sistema kaya apektado aniya ang kalidad ng pagtuturo ng mga ito.
Ipasisilip nila sa DepEd ang naturang sistema at ipare-revise ang sistema kung ano ang plano nila tungkol dito.