DepEd, pinagsusumite ng plano sa pagbubukas ng klase sa Agosto

Inirekomenda ni Basic Education and Culture Chairman at Pasig Representative Roman Romulo sa Defeat COVID-19 Adhoc Committee-New Normal Cluster na pagsumitihin ang Department of Education (DepEd) ng plano para sa pagbubukas ng klase sa Agosto.

Sa presentasyon ni Deputy Speaker Luis Raymond “LRay” Villafuerte sa Defeat COVID-19 Adhoc Committee – New Normal Cluster, iminungkahi nito ang physical distancing sa pagpasok ng mga estudyante sa mga paaralan at paggamit ng online sa mga panahon na sa bahay lamang ang mga mag-aaral na inihalintulad nito sa ‘new normal’ ng South Korea.

Pero, umalma si Romulo na hindi ito uubra sa maraming rehiyon at mga probinsya sa bansa dahil maraming mga lugar ang walang internet connectivity.


Maliban dito, hindi rin magandang opsyon ang “physical distancing” sa mga papasok sa mga paaralan dahil may mga eskwelahan na libu-libo ang bilang ng mga estudyante at double shift din ang mga ito.

Bukod dito, problema din ang maliliit at kakaunting silid-aralan na magiging problema para mahigpit na masunod ang physical o social distancing.

Pinapapalitan din ni Romulo ang probisyon na online lamang ang gamitin na tool sa paraan ng pagaaral kundi gawin itong “blended and flexible learning” kung saan gagamit ang telebisyon at radyo sa ‘new normal’ na pagkatuto ng mga magaaral.

Facebook Comments