Suportado ng Parent Teacher Association (PTA) ang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng limited face-to-face classes.
Pero ayon kay PTA Federation President Jasper Basmayor, dapat tiyakin ng Department of Education (DepEd) na tanging sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19 ito idaraos.
“Siyempre po yung safety po ng ating mga anak lalong-lalo na po wala pang injection ang ating mga bata, proteksyon sa kanilang mga katawan. Kung pagpipilian nga po kung online o face-to-face at medyo risky yung isang area e dun kami sa online. Hindi po namin papayagan na ang aming mga anak e malagay sa alanganin,” ani Basmayor.
Pinawi naman ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio ang pangamba ng mga magulang hinggil sa pagsasawa ng limited face-to-face classes at iginiit na hindi ito magiging sapilitan.
“Pagka ang magulang po e hindi kampante, hindi pumapayag, hindi po yan pipilitin na ang bata ay papuntahin sa paaralan para magkamarka,” paliwanag ng DepEd official.
“Gusto nating bigyang-diin na ang 100 sa sobrang 47,000 public schools ay kakaunti lamang po ito. So, ito ay pipiliin mabuti,” dagdag niya.
Samantala, pag-uusapan pa ng DepEd at Department of Health (DOH) ang mga barometro na magiging basehan ng posibleng pagpapatigil ng face-to-face classes sa isang eskwelahan.