DepEd, pinayuhan ng isang kongresista na kuhaan ng feedback kaugnay sa blended learning ang mga magulang, guro at mga estudyante

Hinimok ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang Department of Education (DepEd) na kuhaan ng ‘feedback’ ang mga magulang, guro at mga estudyante kaugnay sa ‘blended learning’.

Inirekomenda ni Vargas sa DepEd na magsagawa ng online meetings tulad ng “virtual parent-teacher o PTA meeting” at online consultations sa mga mag-aaral upang malaman ang kanilang saloobin at kung epektibo ang blended learning sa pag-aaral ng mga estudyante ngayong may COVID-19 pandemic.

Makakatulong aniya ang hakbang na ito sa ahensya para mai-adjust ang mga programa sa edukasyon batay na rin sa assessment ng mga education stakeholders sa parehong pampubliko at pampribadong paaralan.


Dagdag pa ng kongresista, mas maiintindihan ng DepEd ang mga pagsubok na kinakaharap ng mga guro, magulang at mga mag-aaral sa blended learning kaya dapat na maging bukas ang ahensya sa mga suhestyon para sa pagpapabuti nito.

Ilan sa mga pribadong eskwelahan ang nagbukas na ang klase ngayong Agosto kung saan nakatanggap si Vargas ng mga reklamo na may mga kalituhan ang mga magulang, guro at mga estudyante sa blended learning partikular sa curriculum at paggamit ng teknolohiya sa online classes.

Facebook Comments