Nilinaw ng Department of Education (DepEd) XI na wala pa silang pinapasara na Salugpungan Schools sa Davao Region, sa kabila ng utos ni Education Secretary Leonor Briones.
Ayon kay DepEd region-XI Spokesperson Jenielito Atillo, hindi pa nila naaaprubahan ang aplikasyon ng naturang paaralan dahil nasa proseso pa rin sila ng pag-comply sa mga kinakailangan para maka-operate.
Sinabi pa ni Atillo na isang show cause order ang kanilang ibinigay sa mga opisyal ng Salugpungan Schools, para ipaliwanag ang reklamo laban sa kanilang paaralan hinggil sa pagtuturo nila ng mga bagay na hahantong sa pag-aaklas sa gobyerno.
Matatandaan na nakatanggap na ng affidavit si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., mula sa isang dating estudyante ng isa sa mga Salugpungan Schools, na di umano’y puro panig sa New People’s Army (NPA) ang tinuturo sa kanila.
Pinasinungalingan din nito ang alegasyon ng Save Our Schools Movement, na nagiging ‘stamping pad’ sila ng militar.
Paliwanag ni Atillo, kaya nila binigyan ng panahon na makapagpaliwanag ang mga opisyal nito, ay para madinig ang kanilang panig sa alegasyon na binabato sa kanila.