Tuesday, February 17, 2026

DepEd Sec. Angara, personal na sinuri ang mga paaralang nasira ng Bagyong Basyang sa Iligan

Nagtungo sa Iligan City si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara kahapon, Pebrero 16, upang personal na suriin ang sitwasyon ng mga paaralang naapektuhan ng nagdaang Bagyong Basyang at matiyak ang kalagayan ng mga pasilidad sa edukasyon, maging ng mga guro at estudyante, sa lungsod.

Ayon kay Angara, isa sa mga inirekomenda niyang i-relocate ay ang Juan Tabla Elementary School sa Barangay Puga-an, matapos masuri na marami sa mga silid-aralan nito ang nasira ng baha.

Aniya, hindi na dapat gamitin ang ilang silid hangga’t hindi ito naaayos at nasisiguro ang kaligtasan ng mga bata.

Pinaplano rin nilang talakayin ni Mayor Frederick Siao ang posibleng bagong lokasyon ng paaralan sa lugar na mas ligtas mula sa baha at landslide.

Ipinahayag din ni Angara na magpapatuloy ang koordinasyon sa DepEd Central Office, regional office, at lokal na pamahalaan ng Iligan upang mapabilis ang pondo para sa rehabilitasyon at rekonstruksyon ng mga nasirang pasilidad.

Bukod sa inspeksyon, namahagi rin ng school supplies tulad ng mga notebook, lapis, ballpen, at bag para sa mga estudyanteng nawalan ng gamit dahil sa naturang bagyo, bilang suporta ng gobyerno upang agad makabalik sa klase ang mga bata.

Facebook Comments