
Hindi kailangang magbitiw sa puwesto si DepEd Secretary Sonny Angara kung kumbinsido itong wala siyang kinalaman sa korapsyon sa flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang isinumiteng resignation si Angara sa Palasyo kahit nabanggit ang pangalan niya sa isyu ng flood control.
Giit ni Castro, pareho lang ang pagtrato ng Palasyo sa sitwasyon ni Angara at sa naging pagbibitiw nina dating Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Ang kaibahan lang, boluntaryong nag-resign sina Bersamin at Pangandaman para bigyang-daan ang imbestigasyon sa kani-kanilang ahensya, habang si Angara naman ay hindi nagbitiw.
Nilinaw rin ng Malacañang na hindi nawala ang tiwala ng Pangulo kina Bersamin at Pangandaman kahit nagbitiw ang mga ito.
Nais lang aniya ng administrasyon na maging patas ang imbestigasyon at mailabas ang buong katotohanan sa flood control scandal, nang walang alinlangan kahit mataas ang posisyon ng mga iniimbestigahan.









