DepEd, sinisiyasat na ang module na naghihikayat sa mga estudyante na huwag sumali sa mga peaceful assembly

Humihingi na ng paliwanag ang Department of Education (DepEd) mula sa regional office nito hinggil sa inilabas distance learning module kung saan pinaiiwasan ang mga estudyante na sumali sa mga mapayapang pagtitipon o rally.

Nabatid na kumalat online ang isang pahina ng module kung saan tinatanong ang mga estudyante na “kung mabibigyan ng pagkakataon, sasama ba sila rally? At bakit?”

Batay sa answer key, ang ‘tamang’ sagot ay “hindi, dahil ginagawa ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito para lahat ng Pilipino.”


Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, sinisilip na nila ang module hinggil sa Media and Information Literacy.

“Hihingi kami ng paliwanag. At alam mo, mga honest mistakes kung minsan, but hindi naman puwedeng maging very harsh kung may basis kami to do that. Kung wala, makikinig kami kung bakit nangyari iyong mga ganoong instances,” sabi ni San Antonio.

Iginiit ni San Antonio na ang tanong sa module ay hindi dumaan sa approval process ng central office.

“Sure na kami na hindi siya certified as ‘Ready to Print’ ng central office… Binalik iyan sa region na gumawa at may mga pinapa-modify,” ani San Antonio.

Una nang pinuna ng Commission on Human Rights (CHR) ang nasabing module, at iginiit na ang lahat may kalayaan at karapatan sa pamamahayag.

Facebook Comments