Sinita ng Senate Blue Ribbon Committee ang posibleng paglabag ng Department of Education (DepEd) sa Procurement Law dahil sa paulit-ulit na pagpabor sa limang suppliers na pinagkukuhaan ng ahensya ng supply ng laptop units at iba pang IT requirements.
Sa pagdinig ukol sa biniling overpriced na laptops ng DepEd sa pamamagitan ng Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM), nasita ni Senator Jinggoy Estrada si DepEd Director Abram Abanil tungkol sa napuna nitong limang suppliers na paulit-ulit na nakakakuha ng kontrata sa ahensya.
Ang limang kompanya na nakakuha ng bilyong pisong procurement deals sa DepEd mula pa noong 2013 ay ang Advance Solutions, Inc. (ASI), Columbia Technologies, Inc., Reddot Imaging Philippines, Inc., Techguru Inc. at Girltekki Inc.
Dahil sa palaging pagpabor sa limang suppliers na ito ay iginiit ni Estrada na tila nalilimitahan ang playing field at nadidismaya tuloy ang ibang suppliers na sumali sa procurement deals ng DepEd.
Bukod dito, batay rin sa research na ginawa ni Estrada, nakita na hinati-hati pa ang kontrata para magkaroon ng ‘repeat orders’ sa limang suppliers.
Pero tugon naman ni Abanil ukol sa ‘splitting of contracts’, ito ay desisyon ng Bids and Awards Committee ng DepEd dahil sa pangambang hindi makasunod sa requirements ang ibang bidders.
Dagdag pa rito, posible rin umanong “sour graping” lang ang ASI, ang usual na supplier ng DepEd, dahil nakuha ng joint venture ng LDLA Marketing and Trading Inc., Sunwest Construction and Development Corp. at VST ECS Philippines Inc. ang kontrata sa laptops na kasalukuyang iniimbestigahan ngayon ng Senado.
Punto ni Estrada, hindi ba dapat mas maging welcoming ang gobyerno sa ‘new players’ para sa mas masiglang kompetisyon sa pagkuha ng deals sa mga proyekto.