DepEd, sisimulan na ang pagtatayo ng mga temporary learning center sa earthquake-hit areas sa susunod na linggo

Sisimulan na ng Department of Education (DepEd) sa susunod na linggo ang pagtatayo ng “temporary learning spaces” sa mga lugar na matinding naapektuhan ng magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon.

Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, ito ay upang matiyak na walang magiging delay sa pagbubukas ng klase maging sa mga lugar na tinamaan ng lindol.

Aniya, posibleng abutin lamang ng tatlong araw ang pagtatayo ng mga temporary learning spaces dahil gagamit lamang ng light materials para dito.


Nasa P180,000 ang magagastos sa pagpapatayo ng kada learning center.

Sakali namang hindi kayanin dahil sa dami ng kailangang ipatayo, ay posibleng ipagpatuloy muna ang modular learning.

Sa pinakahuling assessment ng DepEd, nasa halos 500 silid-aralan ang naiulat na nasira dahil sa lindol.

Maliban dito, nilinaw ni Poa na mananatili pa rin naman ang blended learning sa pagsisimula ng pasukan ngayong Agosto kaya may opsyon ang mga estudyante na mag-aral online.

Isang partner ng DepEd ang nag-commit na magbibigay ng libreng wifi sa mga earthquake-hit areas habang nakikipag-usap na rin ang ahensya sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang matiyak ang malakas na internet connection kapag nagsimula na ang pasukan.

Nabatid na sa November 2 pa ang full implementation ng face-to-face classes.

Facebook Comments