Suportado ng Department of Education (DepEd) ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-postpone ang implementasyon ng face-to-face classes dahil sa banta ng COVID-19.
Sa inilabas na pahayag ng DepEd, binigyan-diin nito na naintindihan nila ang pangamba ng Pangulong Duterte lalo na’t hindi pa umaarangkada ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
Sa kabila nito, ipagpapatuloy pa rin ng kagawaran ang kanilang action plan bilang paghahanda sakaling payagan na ng pangulo sa mga susunod na buwan ang face-to-face classes.
Samantala sa interview ng RMN Manila, naniniwala si Senate Committee on Basic Education, Arts And Culture Chairperson Sen. Sherwin Gatchalian na dapat ituloy ang pilot testing ng face-to-face classes para makakuha ng datos at mga pag-aaral para sa paghahanda ng pagbubukas na klase.
Naniniwala rin ang senador na hindi malalim ang natututunan ng mga bata sa blended learning kaya marapat lang na payagan na ang localized face-to-face classes sa mga COVID-free areas.