DepEd, tatapusin na ngayong araw ang fact-finding report laban sa 7 guro sa Cavite na sangkot umano sa sexual harassment

Isusumite na bukas ng binuong fact-finding team ang resulta ng imbestigasyon nito sa pitong guro na sangkot umano sa sexual harassment sa Cavite.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Department of Education (DepEd) Spokesperson Atty. Michael Poa na tatapusin na ngayong araw ang imbestigasyon at bukas ay maisusumite na ito sa Regional Office.

Pagkatapos nito, idedetermina ang bigat ng kanilang parusa para sa administrative proceedings na pwedeng magresulta sa dismissal sa trabaho.


Magugunita na nag-ugat ang isyu matapos mag-viral ang post sa Twitter kaugnay sa malalaswang karanasan ng mga estudyante.

Base sa Twitter thread, ang isa sa mga guro ay nagpo-post umano sa kanyang social media accounts ng mga larawan ng kanyang mga estudyante.

Sa sumbong ng isa pang estudyante, sinabi niya na ang isang guro ay nag-alok sa kanya na maging mistress o kalaguyo.

May reklamo rin ang isang lalaking estudyante na niyaya siya ng isang lalaking guro na makipagtalik kapalit ng pera.

Nang tumanggi umano ang estudyante, sinabi ng guro na sinusubukan lang niya kung paano tutugon ang menor de edad para sakaling siya ang makatanggap ng ganitong alok ay alam niya kung ano ang isasagot.

Facebook Comments