Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na mayroong karagdagang hazard pay ang mga guro na magtuturo sa mga paaralan na nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, may karagdagang hazard pay na P500 na matatanggap kada araw ang mga guro kung sila ay nagtuturo sa mga lugar na nasa ECQ.
Aniya, bukod pa ito sa mga benepisyo na natatanggap ng mga guro.
Siniguro rin ni Briones na hindi nila pababayaan ang mga gurong tatamaan ng COVID-19.
“In addition to, kung nasa ECQ ka na lugar, doon ka nagtuturo, mayroon pang additional COVID-19 hazard pay for the teacher. Hindi naman natin pababayaan ang teacher. Dahil ang policy ng government – ma-teacher ka, ma-nurse ka, ma-police ka o ordinary citizen – kung madapuan ka ng COVID-19, hindi ka pababayaan. Ang teacher mayroong extra pay kung nasa ECQ classified LGU siya.” Ani Briones
Sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaring maisama rin sa pilot face-to-face classes ang ilang paaralan sa Metro Manila kapag nasa low o minimal risk na ang Metro Manila.
“It is a standard, hindi po NCR lang, pero sa lahat kasama sa criteria po natin. At ang criteria po natin na napag-usapan with the Department of Education, dapat nasa low or minimal risk po ang mga areas na isasama natin para atin pong masisiguro ang kaligtasan ng parehong guro at saka mga estudyante. So, kapag po pumapasok na sa level 2, alert level 2 po ang mga ipinasok natin, dito po sa ating mga isinama ngayon sa 59 na mga eskwelahan. Atin pong titingnan sa mga susunod na linggo kung ano pa pong mga iba pang areas ang pwede nating maisama sa Alert Level 2 depending on the metrics that we have.” pahayag ni Vergeire.
Una nang inihayag ng DepEd na 59 na public schools ang magkakaroon ng face-to-face classes sa Nobyembre 15 hanggang Disyembre 22.