DepEd, tuloy pa rin ang Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela

Kinumpirma ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na tuloy pa rin ang Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela sa susunod na buwan, ito ay sa kabila ng banta ng Coronavirus Diseases 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay DepEd Undersecretary at Spokesperson Atty. Nepomuceno Malaluan, magiging kakaiba ito ngayong taon dahil hindi na pupunta ang mga estudyante, guro at magulang sa paaralan upang maglinis, maglagay ng pintura sa silid-aralan, at kumpunahin ang mga nasirang gamit ng paaralan.

Pero aniya maaari naman itong gawin doon sa mga lugar na may low-risk ng banta ng COVID-19 o sa mga lugar na naka-General Community Quarantine (GCQ) lang, dalawang linggo bago magsimula ang klase sa August 24, 2020.


Subalit aniya dapat nasusunod ang mga health protocol na ipinatutupad ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad ng social distancing.

Dapat din aniya sumunod sa mga local quarantaine protocol ng isang lugar o probinsya, kasama na rin ang ipinatutupad na panuntunan ng DepEd Task Force COVID-19.

Kaya naman, simula June 1, 2020 hanggang August 29, 2020, gagamitin ito upang mapagtuunan ng pansin ang ginagawang paghahanda ng DepEd para sa ‘new normal’ ng education system sa bansa.

Ito rin aniya ay para mapalakas pa ang pakikipag-unayan ng ahensya sa mga katuwang nito upang mapabuti pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa sa kabila ng banta ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments