Umaasa ang Department of Education (DepEd) na matuloy na ang pagsasagawa ng pilot face-to-face classes sa darating na Agosto
Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, siniguro ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr. na posible itong mangyari kapag bakunado na ang mga guro at mga estudyante laban sa COVID-19.
Aniya, nais siguruhin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaligtasan ng mga estudyante at guro bago ibalik ang face-to-face classes.
“Binigyan tayo ng assurance ni Secretary Galvez na susubukan nila by August, perhaps at the latest, kung ma-vaccinate ang ating kabataan at particular ages at saka ‘yung mga teachers. Pwede na sigurong i-consider ‘yung pino-propose namin lagi na i-pilot ang face-to-face at dadating at dadating yung panahon na yan,” ani Briones.
Sa kabila nito, sinabi ni Briones na nasa pangulo pa rin ang huling desisyon kaugnay sa pagpapatupad ng face-to-face classes.
Una nang inirekomenda ng DepEd kay Pangulong Duterte ang pagbubukas ng klase sa August 23, September 6 o 13 para sa school year (SY) 2021-2022.