DepEd, wala pang natutupad sa mga pangako sa mga guro ayon sa Teachers’ Dignity Coalition

Wala pang natutupad ang Department of Education (DepEd) sa mga inihayag nitong plano lalo na para sa kapakanan ng mga guro.

Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni Teachers’ Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas na hindi pa naman naisasakatuparan ng DepEd ang balak nitong mag-hire ng mga non-teaching personnel.

Layon nitong alisin na ang administrative tasks sa mga guro nang sa gayon ay mas matutukan nila ang pagtuturo sa mga bata.


“Actually, hindi pa yan nagma-materialize. May mga ilan pong mga schools, mga ilang division offices na they were able to hire na po administrative staff pero hindi pa po lahat. Kaya sa totoong buhay, after that pronouncement po, e pwede kong sabihin na halos wala pa rin naman pong pagbabago in almost entirety of the Department of Education,” ani Basas.

“Syempre pinanghahawakan po namin yang commitment na ‘yan ng ating Vice President Inday Sara. At sinabi ko nga po na at least ‘no, ni-recognize nila na these problems exist po,” dagdag niya.

Samantala, okay rin sa grupo ang plano ng DepEd na bigyan ng non-wage benefits ang mga guro habang hindi pa nito maibigay ang hirit nilang dagdag-sweldo.

“Sa panahon na hindi pa pwede yung pagbibigay ng umento sa sweldo e syempre, anything po na pwedeng ibigay sa mga teachers, incentives o non-wage benefits po, ano rin naman yan e, kapag kinuwenta natin parang pera rin ‘yon e kasi halimbawa, kung bibigyan ka ng bigas, you won’t buy bigas na from your salary. But of course, ultimately, our main demand e sana po ‘yong umento sa sweldo po,” hirit ni Basas.

Matatandaang kasabay ng pagdiriwang sa World Teachers’ Day ay hiniling ng ilang grupo ng mga guro sa Kongreso na itaas sa Salary Grade 15 ang kanilang sweldo mula sa kasalukuyang Salary Grade 11.

Facebook Comments