Walang naitala ang Department of Education (DepEd) na mga guro at mga mag-aaral na nagpositibo sa COVID-19 sa pilot implementation ng limited face-to-face classes sa buong bansa.
Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, may ilan ang nakitaan ng flu like symptoms pero hindi ito kumpirmadong COVID positive.
Aniya, halos 300 na ang mga paaralang kasama sa implementasyon ng limited face-to-face classes sa buong bansa kabilang na ang 28 sa Metro Manila.
Sinabi rin ni Malaluan na bago matapos ang Disyembre ay ipapasa nila sa Office of the President ang consolidate assessment sa pilot implementation ng face-to-face classes.
Ito aniya ang magiging batayan kung ilang paaralan ang madadagdag sa expansion phase sa susunod na taon.
Inatasan na rin ni DepEd Secretary Leonor Briones ang kanilang mga opisyal na abisuhan ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa para makapaghanda na sa expanded face-to-face classes gamit ang safety assessment tools ng kagawaran.