Inihayag ngayon ng pamunuan ng Metro Rail Transit 3, hindi muna magagamit pansamantala ang depektibong tren ng MRT 3 na nag-emergency break o biglaang pumreno kahapon dahilan para masaktan ang apat na pasahero.
Ayon kay King Mendoza, Communications Officer ng MRT 3, patuloy na kinukumpuni ng kanilang maintenance provider ang tren na agad na inalis sa train mainline.
Paliwanag ni Mendoza, patuloy na inaalam ang dahilan ng biglaang pagpreno ng tren at iniimbestigahan na kung ano ang naging problema nito.
Dagdag pa ng opisyal, 18 hanggang 20 tren ang inaasahang magiging operational dahil sa isinasagawa pa ang troubleshooting.
Nabatid na sa isang tren aabot sa 1,186 na pasahero ang kaya nitong isakay, kung saan 394 pasahero ang kapasidad ng bawat train cars at binubuo ang isang tren ng tatlong train cars.
Sa ngayon, sinabi ni Mendoza na normal ang operasyon ng MRT3, wala naman silang timeline sa pagkukumpuni ng tren pero minamadali na nila ito.
Nabatid na mga pasa at sugat ang tinamo ng apat na pasahero sa biglang pagpreno ng tren kahapon ng umaga habang papalapit sa Boni Station sa Mandaluyong.
Agad na nilapatan ng paunang lunas ang mga pasahero na hindi naman na nagreklamo.